Ang Pilipinas, ang Wowowee at ang mga problema

Ang Pilipinas, ang Wowowee at ang mga problema
Ni Justin David Pineda
De La Salle University-Manila

PALASAK na sa mga lumalabas sa mga bibig ng maraming mga Pilipino ang pagiging walang asenso ng Pilipinas. Animo’y isang normal na senaryo na lang ang talamak na kriminalidad, korupsyon, katiwalian, kahirapan at kung anu-ano pang mga masasamang mga nagaganap sa ating bansa. Kaya naman maraming mga Pilipino ang nawawalan at nawalan na nang pag-asang magbago ang bansa. Napipilitan ang karamihan na mangibang-bansa upang makahanap ng mas malinaw na tubig na maiinom. Sawa na rin ang iba na magbayad ng buwis sa pamahalaang wala namang ginagawang produktibo. Naniniwala ka pa bang may pag-asa na umangat ang Pilipinas?

Sa dinami-rami ng mga problema sa ating bansa, paano pa nga kaya tayo aangat? Paano maisasalba ang mga taong nasadlak sa kahirapan? Aba’y milyun-milyon din ang mga naghihirap, hindi ba? Marami na ring mga pananaliksik ang ginawa sa kung anu-ano ang mga problema ng bansa pati ang mga solusyon ukol dito. Ngunit, nanatili na lang ang mga solusyon na isang suhestiyon na nakalagay sa papel. Wala naman kasing aksyon na ginagawa kasi nga, normal na lang at parang tanggap na nang mga Pilipino na mananatili na lang na ganito ang bansa. Sa palagay mo ba, mayroong nagkukusa upang matulungang maibsan ang kahirapan ng ating bansa?

Ang Wowowee, tagapagligtas ng mga mahihirap

Sinasabi na ang Wowowee ay isang noontime show kung saan, tulad ng mga pangkaraniwang mga noontime shows, may mga kalahok na sumasali sa isang laro at may premyo kapag nanalo. Naiba nga lang ang Wowowee sa ibang mga noontime shows sapagkat malaking bahagdan ng pera rito ay galing sa mga Pilipino na nasa ibang bansa na sumubskrayb sa The Filipino Channel (TFC). Ayon sa Wikipedia.org, ang TFC ay isang pandaigdigang cable ng ABS-CBN Broadcasting Corporation na naitatag noong 1994 upang makapag-ugnay ang mga Pilipino na nasa abroad sa mga nangyayari sa bansa at pati na rin makapanood ng mga ABS-CBN shows na gawa ng mga Pilipino rin. Bente-kuwatro oras na walang tigil na palabas ang handog ng TFC sa Estados Unidos, Canada, Australia, Silangang Asya, Timog-Silangang Asya, Gitnang Silangang Asya, Europa, at Hilagang Aprika. Naabot na rin ng TFC ang halos 75 porsyento sa 10 milyong Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansa.

Malaki-laki rin kung susumahin ang nakokolekta sa TFC subscribers. Naiba rin ang format ng noontime show na Wowowee sapagkat lahat ng mga nakukuhang mga kalahok, talo man o panalo, mayroong premyo. Sa Wowowee mo rin makikita na tatanungin ng TV Host na si Willie Revillame ang mga kalahok ng mga tanong na makapagpapaawa sa kalahok at maaaring maging dahilan upang maiyak ito na kahahabagan naman ng mga manonood. Ang nakakatuwa pa, ipopokus ng kamera sa isang taong mukhang awang-awa sa kalahok na pinagmumukhang kalunos-lunos ang kalagayan sa buhay at lipunan. Pagkatapos noon , papasayawin o papakantahin ang mga kalahok para ipakita ang talento nito sa mga manonood. Bentang-benta naman ito, lalo na sa mga TFC subscribers.

Idagdag mo rin pala ang mga pinapasayaw ni Revillame ng Boom Tarat Tarat, Adudu adada o Iyugyog Mo (mga kantang novelty ito na walang malinaw at malalim na mensahe) sa mga manonood sa studio. Makikita mo ang pagiging bigay na bigay o sa teknikal na salita ay “over acting” ng mga manonood na pinapasayaw para lang mapiling kontender. Ang iba naman, sabihan mo lang si Revillame (na kilala rin sa tawag na Papi) na guwapo, bibigyan ka na niya ng pera (mga P 200 din). Lalo tuloy itong bumebenta sa madla dahil nakakapagpasaya ang Wowowee sa mga manonood at nakakatulong pa sa mga mahihirap. Bayani at tagapagligtas pa sa kahirapan ang turing kay Revillame.

Kung maalala ang mga nakaraan ng tinuturing na tagasalbang si Revillame, sandamukal na kontrobersiya ang naani niya bago at ngayong host sa Wowowee. Maaalalang nabatikos siya dahil sa bulgar nitong asal na parang “sex maniac” sa mga kalahok ng Calendar Girls noon . Ikinasuspinde niya ang pagbabato ng mga bulgarang mga biro sa mga kalahok ng Calendar Girls pa rin. Nakagawa rin siya ng record album na mga pilyong kanta at puro “double-meanings”. Nasibak din siya sa Magandang Tanghali Bayan, isang noontime show, dahil hindi pa rin niya tinigalan ang pagsasabi ng mga bulgar na mga biro. Nakakuha rin siya nang ikalawang suspensyon sa Masayang Tanghali Bayan. Mayroon ding dalawang babae ang nagsampa ng “sexual harassment” laban sa kanya. Bukod pa rito, nag-report din ang Wowowee Girls (mga sumasayaw tuwing Wowowee) na hinahawakan sila ng hindi tama at tinakot na sisibakin kapag sinabi ito sa ABS-CBN Management. Hindi rin makakalimutan na matapos ang pagiging host niya sa Wowowee ng isang taon, nagkaroon ng stampede sa PhilSports Arena kung saan ikinasawi ng 74 na tao. Napatunayan din siyang nagkasala matapos niyang ilabag ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act sa kanyang hiniwalayang asawa.

“Past is past”. Ito ang sinasabi ng karamihan. “Move on” na dapat. Kailangang mahinog ang mga Pilipino na malaman na hindi sila mabubuhay kung hindi sila magsusumikap. Malaki ang nagiging papel ng midya sa mga tao ngayon. Kaya nitong palabasin na masama ang isang bagay o mabuti. Mag-away lang ang mag-asawa, mamaya nasa TV Patrol na ito at alam na ito ng buong Pilipinas. Kaya iyan ng midya. Oo nga’t nakakatulong ang Wowowee sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting halaga na makapagtutustos ng ilang araw, palagay ba nila, sapat na ito? Malasakit ba ang tawag sa pagpapababa ng moral at dignidad ng mga mararalitang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita sa buong mundo na ikaw ay sadlak sa kahirapan at bibigyan na lang ng pera na parang nanlilimos? Pagtulong nga ba ang tawag sa mga taong kailangan mong bigwasan ng hiya sa sarili sa tuwing papasayawin ng mga novelty songs na iyan at hihiya-hiyain sa mga manonood? Hindi naman ganito ang mga Pilipino dati. Kaya pa naman tumayo kahit papaano ng isang naghihirap na Pilipino dahil alam niya na kaya niya. Pero kung ang midya ay kukundisyunin na kapag magpapaawa ka, na ganito lang ang kaya mo, ganito lang ang alam mo, may pera ka na, susundin ito. Ganyan kalakas ang kapangyarihan ng midya. Ganyan din kalakas ang kapangyarihan ng midya na burahin ang mga kasamaang ginawa ng isang tao at palabasin na ito’y isang bayani o tagapagligtas ng mga mahihirap. Akala mo totoo, pero hindi. Isang malaking kasinungalingan. Tsaka, sino nga ba ang mas nakikinabang sa tuwing may mga pobreng mga tao na nagpapaawa sa telebisyon? Ang mga mahihirap ba o ang programa mismo? Kung totoo na may malasakit sa pagtulong, hindi mo iisahan ang iba para sa sariling kagustuhan. Iisipin mo ang kapakanan ng ibang tao at titignan mo kung mapapasama o mapapabuti ang mga kasangkot. Hindi man direktang apektado ang mga dukha sa ganitong klaseng panlilinlang na ginagawa ng midya, masasalamin naman ito sa iba ring mga Pilipino.

Masarap panoorin ang Wowowee sa tanghali. Matatawa ka sa mga pinagsasayaw roon. Matatawa ka rin sa mga taong hindi makasagot kahit sobrang dali na nang tanong. Pero kapag madalas mo itong pinapanood, magsasawa ka rin. Mapagtatanto mo rin na nakakaawa ang mga Pilipino. Maaawa ka rin sa sarili mo. Magsisisi ka na tumawa ka pa noong una.

Nursing, call centers, atbp.
Bukod sa Wowowee na lubusang nagnanais na tumulong sa mga mahihirap upang kahit sa isang araw ay makakain sila ng tatlong beses, mayroong pa rin namang inisyatibo ang ginagawa ang ating butihing pamahalaan upang maibsan ang bumubulusok na estado ng Pilipinas sa kahirapan. Aba’y sinusuportahan naman ng ating gobyerno ang mga “kailangan ng ibang bansa” na sa palagay nila ay makakakuha rin ng benepisyo ang ating mga mamamayan.

Hindi mo masisi ang karamihang mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Nursing kahit hindi nila ito gusto. Maraming kumukuha rin na gusto nila ito dahil sa “pera” na makukuha nila kapag nakapunta na sila sa ibang bansa. Ang iba naman, pinilit ng mga magulang dahil nakikita nilang may oportunidad sa pagkuha ng naturang kurso. Ang iba naman, wala na talaga silang mapipili kundi Nursing na lang. Mataas kasi ang binabayad sa isang nars sa abroad na dolyar ang sahod, sa isang empleyado na nakapagtapos na sa Ivy League School ng Pilipinas na sa “corporate world” ang bagsak. Iba kasi ang kalidad ng pamumuhay sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Idagdag mo pa ang sobrang bigat na buwis na ipinapataw sa mga Pilipino.

Makikita mo naman ang suporta ng gobyerno sa mga Nursing students. Grabe nga kung i-promote at i-anunsiyo ang Nursing. Sobra rin kung makahanap ng mga oportunidad para sa mga nars sa ibang bansa. Ang swerte naman nila. Paano ba naman, magandang puhunan ito para sa ekonomiya, magandang puhunan din ito sa mga mamamayan. Konting sakripisyo lamang. Ang iba nga, mga doktor na at mahigit 40-anyos na, nag-nunursing pa.

Suportado rin ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga call centers sa Pilipinas. “Employment” nga naman ito para sa ating mga Pilipino. Kahit anong pinag-aralan mo, ang iba pa nga, hindi na kailangan ng “degree”, call center agent na. Mag-mememorya ka lang ng mga sasabihin mo sa kustomer, sumama ka sa mga trainings, kainin mo ang pride mo, lagyan mo ng accent ang pagsasalita, sanayin mo na gising ng gabi hanggang madaling araw, may pera ka na agad. Puhunan ito ng ating gobyerno. Kasi nga naman, mayroon tayong “edge” kontra sa ibang bansa dahil marunong tayong magsalita at makaintindi ng Inggles. Kaya naman ipinapaasenso rin ng pamahalaan na pagyamanin natin ang ating kaalaman sa Inggles.

Perspektibo sa Kanluran at Silangan
Nalaman ko ang iba’t ibang klase ng perspektibo ng mga kanluranin ( gaya ng mga nasa Europa) kumpara sa mga taga-silangan ( gaya ng Pilipinas). Halimbawa, ang pananaw sa karunungan ng mga taga-kanluran ay pagiging makatwiran at lohikal (ginagamit ang isip), samantalang ang pananaw ng mga taga-silangan ay kadalasan ay mga galing sa kutob (ginagamit ang puso). Kaya sa riyalidad, ang mga nasa kanluran ay nakakayang tumayo sa sariling paa kontra sa hindi makatayong mga taga-silangan kung walang pamilya. Kung mapapansin mo, sa ibang bansa, ang mga 18-anyos na mga tao ay humihiwalay na talaga sa pamilya at naghahanap na ng trabaho. Sa atin, hindi ganoon na naipapakita.

Gayundin naman padating sa perspektibo ng isang perpektong buhay. Para sa mga taga-kanluran, naimpluwensiyahan ito ng mga pilosopiyang Griyego at Kristiyanismo na pangibabawan ang mundo. Kaya naman ang tingin ng mga taga-kanluran, dapat ay magkaroon ng tranformasyon sa mundo, kaya naman nagiging materyal ang mga tao. Para naman sa mga taga-silangan, transformasyon sa sarili ang tingin para makakuha ng isang perpektong buhay. Ibig sabihin, kailangan kang maging mabuting tao.

Sa perspektibo naman ng oras, ang mga taga-kanluran ay tinitignan ang panahon bilang isang diretsong linya. Ang kasaysayan ay hindi nauulit o Tempus Aurum Est (Time is Gold), ika nga. Kaya ang nagiging resulta, nagiging progresibo at liberal ang mga tao. Sayang kasi ang oras kung walang gagawin. Kumpara naman sa mga taga-silangan, ang tingin nila sa oras ay umiikot lamang (cyclical). Kaya ang nagiging resulta, sila ay nagiging konserbatibo.

Panghuli, para sa naman sa perspektibo sa paggawa o pagtatrabaho, ang tingin ng mga taga-kanluran dito ay ang pagtatrabaho ay isang paraan upang mabago o umasenso ang tao sa mundo. Sa mga taga-silangan naman, ang trabaho ay isang paraan upang mapanatali na buhay ang tao.

Panandaliang solusyon sa kahirapan
Wala akong sama ng loob o galit sa mga umaalis sa bansa pati na rin sa kagustuhan ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga tao sa ganitong paraan. Hindi rin ako kontra sa mga call centers sa bansa. “Employment” nga hindi ba? Ang pinupunto ko lamang dito ay hindi dapat umasa ang bansa ng malaki sa ganitong puhunan. Ang nangyayari kasi, ito na lang ang ginagawa. Wala nang ibang inisyatibong ginagawa ang pamahalaan.

Isipin niyo na lang, libu-libong mga Pilipino ang lumilisan sa bansa dahil mag-aabroad. Kung dito mamumuhunan ang gobyerno natin, darating ang panahon na wala nang mga Pilipinong matitira sa bansa. Ang mga dapat sana’y mga magiging doktor, inhinyero, arkitekto, siyentista, guro at iba pang mga propesyong kailangan ng bansa ay unti-unti nang nawawala dahil ito ang nais ng pamahalaan. Hindi ko sinasabing mali ang pumunta sa ibang bansa. Hindi mo rin sila masisisi. Kung may oportunidad sana , hindi rin sila aalis. Isipin niyo kung gaano kalaking dagok sa mga doktor na nag-nars kapalit ng pera. Sayang, ang mga dapat sana’y magiging mabubuting lider nang ating bayan sa iba’t ibang mga larangan ay nagmistulang alipin sa ibang bansa. Walang problema sa may mga gusto talagang maging nars mula’t sapul. Ang problema, ilan ba sa mga kumukuha ng nursing ang gusto talagang maging nars dahil naroon ang puso nila?

Sinasabi na ang mga Pilipino ay magaling mag-Inggles kahit na barok pa ito. Kahit nga sa basurero ka makipagusap ng Inggles, makakausap ka nito. “Speaking English doesn’t make you less of a Filipino”- ito ang sabi ni Sen. Loren Legarda noong nagpunta siya sa DLSU bago mag-eleksyon noong Mayo 2007. Napaka-strikto ng mga eskwelahan pagdating sa pagturo ng Inggles sa mga bata. Ang dami-dami ng mga panuntunan pagdating sa balarila, mga hindi konsistent na pagbabaybay ng mga salita at hindi rin konsistent na pagbibigkas ng mga salita. Hindi ko pinupuna ang pamumuhunan ng pamahalaan sa Inggles. Mabuti nga iyon. Ang problema, hindi naman napagyayaman ang wikang Filipino. Puro na lang tayo Inggles, sariling wika naman natin, hindi natin alam.

Sasabihin ng iba, kaya nga pinaaasenso ang Inggles, dahil “universal language” ito at para may “edge” tayo sa ibang bansa. Alam niyo ba, na ang Japan ay isang bansa na umasenso ng hindi gumagamit ng Inggles? Gayundin ang Hilagang Korea na kamakailan lang ay nagpaparating ng kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsubok ng kanilang nuclear bomb. Ano ngayon kung lahat ng mga Pilipino ay magaling mag-Inggles? Ang gustong iparating ng ating gobyerno? Inuulit ko na walang masama sa pag-aaral ng Inggles kung napapayaman din natin ang ating sariling wika. Magmumukha ba tayong matalino kung pa-Inggles-Inggles na lang tayo? Palagay mo? Siguro uunlad lahat ng taong magaling mag-Inggles kung puro call centers ang trabaho sa bansa.

Hindi dapat namumuhunan ang mga Pilipino at gobyerno sa mga panandaliang mga solusyon sa kahirapan ng bansa. Hindi tayo uunlad kung ang layunin natin ay makakain lang ngayong linggong ito. Paano sa mga susunod na linggo? Matatalino ang mga Pilipino. Pilipino kasi ako. Pero kung ganitong klase ng buhay ang ibibigay sa kanila, at ganitong klase rin ng oportunidad ang ibibigay sa kanila, talagang “temporary” lamang ang magiging antas ng kanilang kakayahan upang umasenso.

Kumakain ba kayo nang imported na Thai Rice na mahal pero masarap? Bentang-benta ito ngayon sa merkado. Malambot at maputing kanin; hybrid na palay kasi ang ginamit. Alam mo ba kung sino ang nakadiskubre nito? Mga Pilipinong galing UPLB na hindi masurportahan ng gobyerno kaya napirata sa ibang bansa. Ngayon, imbis na tayo ang mag-angkat ng mga hybrid na kanin, ang banyaga pa ngayon ang gumagawa nito sa atin. Nakakaasar na nakakaawa, hindi ba?

Dapat namumuhunan ang ating gobyerno sa edukasyon ng mga Pilipino. Naniniwala ako na kung sa simula pa lang, may edukasyon ang mga Pilipino, magkakaron sila ng pundasyon para sa kanilang buhay. Magkakaroon ng oportunidad para sa kanila. Gandahan ng gobyerno ang kurikulum at ayusin ang mga libro. Gawan ng maayos na pasilidad ang mga mag-aaral at ayusin ang pasahod sa mga pakuldad.

Alam ko maraming sasalungat sa ganitong ideya. Pero para sabihin ko, hindi sapat ang pakainin mo ng isang araw ang isang Pilipino para mabuhay. Magugutom ulit iyan. Hindi sapat ang Wowowee para mabuhay ang masang Pilipino. Kailangan may oportunidad. Hindi kasi basta-basta ang gustong umasenso. Siyempre dapat, mayroong tiyaga, determinasyon, pagpupunyagi at sakripisyo. Hindi isang iglap ang sarap. At naniniwala ako, edukasyon ang susi sa kahirapan. Hindi mo man makakain ang edukasyon, maganda naman itong puhunan sa kinabukasan at pasaporte sa tagumpay.

Responsibilidad at konsensiya sa lipunan
Sabi ng aking propesor sa Social Science na dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, kung hindi ka raw magaling sa Math, “you’re not much of a lesser stuff”. Kung ang mga inhinyero raw ang gumagawa ng mga gusali, ang mga taga-CLA (Humanities) naman ang gumagawa ng kaluluwa ng bansa. Natawa ako roon. Pero naniniwala rin ako.

Dagdag pa ng propesor namin, dinisenyo ang serye ng mga kursong Social Science para sa mga taga-College of Engineering, College of Science at College of Computer Studies upang magkaroon kami ng “social conscience”. Ano itong social conscience na ito?

Kadalasan kasi ng mga nakakapagtapos ay nagtatrabaho sa ibang bansa dahil nga mas maraming pera ang makukuha mo at mas maraming oportunidad. Mas madali kang umasenso at yumaman. Ang iba pa nga, wala na kasing pag-asa sa bansa. Sinasabi sa amin na mayroon tayong tungkulin sa ating bansa. Mayroon tayong tungkulin na tulungan itong umangat sa kabila ng kabigatan nito dahil mayroon pa ring mga tao na naniniwalang may pag-asa pa at gumagawa pa ng paraan upang isalba ang bansa. Mayroon pa ring iba na naniniwala na kaya pa. At kailangan nila ng tulong mo. Ito ang social conscience. Kakasa ka ba?

Sa Singapore , perpekto ang mundo: disiplinado ang mga tao at maunlad ang bansa. Pero noong nagpunta ang propesor namin sa Singapore , mayroon siyang nakitang isang billboard ad ng gobyerno at nakalagay- “Smile. It makes you healthy.” Ano ang implikasyon ng billboard na nakalagay? Bakit maglalagay ang gobyerno ng isang ad na nagpapaalalang ngumiti ang mga tao? Perpekto nga, disiplindado nga, pero hindi naman sila masaya. Ikaw, ano ang pipiliin mo?

Sa Pilipinas, kaya mong batikusin ang sarili mong gobyerno. Minsan nga, minumura mo na ang presidente (o nagpapanggap na presidente). Sa Singapore , Malaysia at iba pang mga karatig bansa, hindi mo pwedeng gawin ang mga ito dahil labag ito sa batas. Gusto mong magkaroon ng isang malaking krisis sa Singapore ? Pabalikin mo sa Pilipinas lahat ng mga Domestic Helper na nagtatrabaho sa Singapore . Tignan natin kung makayanan nilang mabuhay ng walang magagaling na katulong.

Tayo kapag may bagyo, handa na tayo rito. Nagdaan ang sunod-sunod na bagyo sa bansa, at ang daming nasira at namatay, pero mabilis tayong nakabangon mula rito. Alam niyo ba ang bagyong Katrina na pumatay ng marami sa USA ? Ang tagal bago sila nakabangon mula sa bagyong iyon. Daig natin sila. Nalagpasan natin ang ilang mga pagsakop sa ating bansa at diktaturya, kaya naman hindi maikakaila na kaya rin nating malagpasan ang mga problema rito ngayon. Ito ang social conscience. Mayroon tayong tungkulin sa bansa. Ikaw, saan ka pagkatapos mo sa kolehiyo?

Para sa mga lumisan ng bansa para humanap ng masaganang buhay, huwag niyo sanang kalilimutan ang ating bayan. Hindi masamang makahanap ng mas masaganang buhay, pero mayroong tayong tungkulin na dapat gampanan. At para naman sa mga wala ng pag-asa sa bayan at tuluyan ng iniwan ang bansa, pakiusap ko na lang, huwag niyo na lang “i-bad-mouth” ang bansang ito. Huwag niyo na lang siraan ang bansa at sabihin lahat ng mga kasamaan sa bansa dahil ito nakakatulong. Tsaka, mayroon pang mga taong gumagawa ng paraan para masolusyunan ang problema. Ika nga, kung hindi ka magiging parte ng solusyon, huwag ka na lamang maging parte ng problema. Isa lang ang mensahe ko sa mga wala nang pag-asa, at wala nang pag-asang tuluyang sinisiraan ang bansa- Hindi kayo kailangan ng Pilipinas at huwag na kayong babalik sa Pilipinas. Sa katapusan ng klase ng aking propesor, sinabi niya sa amin na isang paraan para makaganti sa USA ay ang pagpapadala lahat ng mga sakim na Pilipino sa Amerika. Wala man direktang epekto sa kanila, mabuti iyon at matira ang mga may puso sa bansa.