Isang Prinsipyo: Please fall in line

Panimula:
Nangyari ang insidente sa canteen noong ako'y nasa unang taon ng hayskul.

Isang Prinsipyo: Please fall in line
- Justin David G. Pineda

Pag naaalala ko itong kuwentong ito, natatawa na lang ako. Sira ulo rin kasi ako. Sisiga-siga rin. Paano kasi, siguro nagmana na rin sa nanay. Si mama kasi, pag nagalit yan, sobra-sobra. Kapag nasa tama siya, patay kang bata ka! Iyak ka na. Ay naku po, dun ko nakuha maging kritiko ng kung anu-ano at sinu-sino.

Isang beses, gutom na gutom na ako at gusto kong kumain sa canteen. Recess time nun. Ang haba-haba ng pila. Pumila ako ng sobrang tagal. Nung ako na, biglang may sumingit si Ms. Lani at naunang bumili. Ako naman, gutom ka na nga, pumila ka ng matagal, tapos pag ikaw na, sisingitan ka pa. Eh di siyempre, nagalit ako. Sabi ko, “Ano ba naman yan, ang tagal-tagal kong pumila tapos sisingit?”. Sabi ni Ms. Lani, “Eh di yan, pagbilhan mo na.” Pinagbibilhan na ako ni Rio non, pero sabi ko, “Di bale na, di na ako nagugutom!”

Dahil sa ginawa ko, pinatawag ako ni Ms. Cecille at kinausap tungkol kay Ms. Lani. Naalala ko pa yon. Pinagkukwento niya ako. Sabi ko, “Kasi po ganito yon…” Sinabihan kagad ako nang, “Simula pa lang ng kuwento, nagdadahilan ka na…” Ayun, natawa ako. Nakuwento ko naman yung totoo at naintindihan niya ako. Kayalang, mali ang ginawa ko. Inaamin kong nabastos ko yung teacher na yun dahil sa mga actions ko. Pero di ako nasuspinde ron ng “disrespect of school authorities”. Ewan ko lang pero sa tingin ko rin pinatawad ako ni Ms. Lani sa ginawa ko eh. Naintindihan din naman ni Ms. Cecile yung point ko: Na ang mga teachers ay mga role model sa mga estudyante. Kaya, kapag sila’y sumingit, gagayahin sila ng estudyante.

Talagang parati kong naiisip si Ms. Cecille eh. Miss ko na talaga siya. Ngayon sa tagal na rin ng lamig namin ni Ms. Lani, nagsisisi ako sa mga ginawa ko.