Di makakalimutang Pebrero

Di makakalimutang Pebrero

- Justin David G. Pineda

Minsan sa paghihintay, naiinip ka. Totoo. Matagal na akong nasasaktan, ilang taon na rin akong naghihintay kay Joyce, pero hanggang hintay lang. Wala ako ni isang paramdam na “gusto kita”. Kasi naman, wala talagang pag-asa. Wag nga pilitin ang ayaw eh di ba? Yang tunay kong kaibigang si Philip, napakatapang niyan… niligawan si Joyce, nabasted! Well at least naman ginawa niya lahat ng kanyang makakaya. Eh ako? Wala. Nagintay ng dalawang taon at pitong buwan sa wala. Kahit alam ko nang walang pagasa, hintay pa rin. Naghintay sa wala.

Kahit kasi nakakakita ako ng ibang babae, at nagiging crush ko, di nila madaig ang nararamdaman ko para kay Joyce. Iba talaga. Naniniwala akong hindi infatuation yun. Kayalang wala.

Pag ako ay nagkakagusto sa isang tao, biglaan lang yan at napakadalang. Nung kasing pagkatapos ng Intrams 2005, isang babae ang nagbigay sa akin ng hudyat upang humakbang ng isang palapag palayo sa nakaraan. Ay, noong Intrams, normal pa ang lahat. Nag-isip naman ako at tinatanggap ko ang mga maaring mangyari. Nahulog ako kay Monique. Magkaibigan na naman kami kayalang di kami ganun kalapit sa isa’t isa. Naisip ko malaking isyu ‘tong gagawin ko sa kahit anong antas. Pero sabi ko, “bakit hindi?”

Pebrero 16, 2005 yung Intrams, okay pa eh. Yang si Monique, parati akong binabati niyan. Mabait naman siya. Next week pagkatapos ng Intrams, di ko maalala kung Monday yun o kung ano mang araw, pero sinabi ko na kay Diday na may gusto ako kay Monique. Basta, marami akong dahilan kung bakit ko siya nagustuhan at lalo ko siyang nagustuhan ng husto nang lumalon.

Yun nga, tinuloy ko na ang balak ko kay Monique. Ligawan ko kaya? Kilala naman siya bilang isang mabuting tao. Ako naman, ewan ko lang… pero maganda naman ang tingin sa akin ng mga tao. Bakit hindi?

Nung una pa nga eh, magkatabi sina Diday at Monique na nakaupo sa may hagdan, pababa pa ako nun eh, tapos tinawag ako ni Diday. Tinutukso na kaagad ako kay Monique. Di ko naman alam kung ano ang gagawin ko kaya ngumiti na lang ako.

Dun sa linggo pagkatapos ng Intrams, di ko lang maalala yung mga eksaktong mga araw, pero talagang natuon ako kay Monique. Nasamahan ko pa yun (kasama rin si Diday) maglunch sa may catwalk. Okay nga eh. Nabigyan pa ako ng 1x1 picture ni Monique. Siyempre, sa tulong na rin ni Diday.

Minsan pinatunayan ko sa kanya na kaya kong gawin ang mga bagay na aking mga sinabi. Isang beses, ZLL nila, nakita kong pumunta si Monique (kasama ang kaklase niyang si Shiela) sa Computer Lab. Alam kong may klase pa kami (Chemistry pa yun!) pero sinubukan ko siyang puntahan. Maaga naman kasi kaming natapos sa huling klase namin. Pumunta ako sa Computer Lab at nakita ko sina Monique at Shiela. Wala naman medyo puro joke time ako noon. Tinanong ko siya, “Ayos lang ba akong pumunta sa bahay niyo mamaya?” Ang sagot ba naman, “Ewan ko…!”. Paulit-ulit na yon ang tanong ko at paulit-ulit naman ang sagot niya. Hanggang dumating si Sir Edlourd at nakita ako sa Computer Lab. Ayun, nangasar na ang guro at tinanong kung mahal ko si Monique. Di nanaman ako nakasagot. Di kasi ako madaling mapasabi ng kung anuman lalo na ang “I love you.”

Nag-isip ako talaga. Pumunta kaya ako kay Monique? Ngunit paano? Naghanap ako nun ng paraan at nalaman kong ilang hakbang lang pala mula sa bahay ni Monique ang bahay ni Kimberly.

Nagsabi ako kay Kimberly kung puwede akong pumunta sa kanila upang mag-aral ng Math. Medyo may kahirapan na rin ang Math noon eh (Trigo). Kasabay noon ay maari ko na ring puntahan ang bahay nina Monique.

Pumayag naman si Kimberly at nagtungo ako sa kanila. Ayun, naalala ko na, Wednesday yun. Tama Wednesday yun. Sumakay ako ng dyip papuntang Imus at bumaba sa may FRC. Sabi ko sa sarili ko, wala man lamang akong ibibigay dun kay Monique. Kaya bumisita ako saglit sa FRC. Ay naku, walang tsokolate sa supermart na yun. Kung meron man, mga panindang Cloud Nine at Big Bang na maramihan. Nyak! Baka naman isipin ni Monique na magbebenta pa ako ng Cloud Nine, piso isa…

Kaya ang binili ko na lang, yung Cream O na nasa kakaibang lalagyanan. Yung hindi nabibili sa tindahan nina Aling Rosing. Yung Chocolate coated. Ayos na yun. Disente naman yun, di cheap at masarap naman.

Pagkatapos noon ay nagsimula akong maglakad papasok sa Palico. Akala ko naman ‘yung subdivision ni Kimberly ay malapit lang kaya nagdesisyon akong lumakad. Hay naku, nakakatakot naman pala, two way lang yung daanan, may mga trak pa akong kasabay. Tapos, may kalayuan din pala ang subdivision nila. Hay, pero sa kabutihang palad naman, nakarating ako kina Kimberly.

Siyempre, aral muna. Hirap na hirap na talaga ako sa Trigo. Medyo pabaya na kasi patapos na ang taon. Pati sa Chemistry, aral din para magawa ang homework. Sinabi ko kay Kimberly na hindi ako makakapasok kinabukasan dahil kailangan ako pag nagpakuha ng Passport. Nung nagawa ang homework ko, iniwan ko na kay Kimberly. Siya na lang ang bahalang magpasa.

Sinabihan ko na tawagan niya si Monique at sabihin na ilang hakbang na lang ako at nasa bahay na nila ako. Siyempre, kahit sinong babae, matataranta pag nalamang ang taong may gusto sa kanila ay andiyan lang. Lalo pa kung ang nanay ay ang pinakastriktong magulang. Ayaw niya akong makausap. Ayaw niya rin akong pumunta sa kanila. Iniwan ko na lang ang binili ko at kumain kina Kimberly. Sabi ko, siya na lang ang magbigay kinabukasan. Ang sarap ng pagkain sa kanila.

Inasahan ko ng ganun ang sasabihin ni Monique: na hindi puwede. Pero tumuloy pa rin ako sa isang simpleng dahilan na gusto ko sa kanyang ipakita na may isa akong salita. Natutunan ko na tuloy sabihing, “Mahal kita Monique”.

May mga nangyari pa pagkatapos nung gabing ‘yon. Ang mga iba pang pangyayari ay naganap noong Pebrero rin.