Buhay sa Hayskul

Buhay sa Hayskul
- Justin David Gisala Pineda

Naisipan kong gumawa ng koleksyon ng aking mga kuwento sa hayskul. Ewan ko ba kung bakit pero pakiramdam ko, masarap gumawa ng mga akdang galing sa mga karanasan, katotohanan at walang kasinungalingan. Nakakatuwang isipin na sa puntong ito, nakita ko ang aking mga pinapangarap: mga kaibigan at tunay na kaibigan.

Masasabi ko na kahit hindi ako dumating sa Seton noong unang itayo ito, napagmasdan ko pa rin ang malalaking pagbabago rito. Ang simula nito at pag-eeksperimento ng mga gawain at aktibidades ay aking nadaanan. Nakikita ko naman na malayo ang mararating ng mga estudyante kahit na iisa pa lamang na lupon ng mga estudyante ang mga nagsitapos sa hayskul.

Iba ang naramdaman ko sa eskwela noon, kumpara ngayon. Maaring sa iba ay iba ang kanilang reaksyon ukol dito pero noon, nakita ko talaga ang “sense of family” sa Seton. Ano ba ang ibig kong sabihin nun? Walang kawing-kawing at grupo-grupo, bukas ang lahat sa isa’t isa. Hindi ko naman sinasabing wala na, pero mas buo ang komunidad ng Seton dati. Siguro ay dahil na rin sa kakaunti pa lamang ang populasyon noon. Iba talaga yung ligaya rati kaysa ngayon. Ewan ko ba, pero pilit kong napagkukumpara ang nakaraan, sa ngayon. Pakiramdam ko kasi, habang pumapasok ang mga bagong salta rito sa Seton, kumokonti na ang tunay na nakakakita ng tunay na kultura ng paaralan.

Dala na rin siguro ng pagkakakita ng malakihang pagbabago sa paaralan kaya nasasabi ko ang mga ito. Kayalang totoo eh. Sabi ko nga kay Laissa (isang freshmen), dapat gumawa kayo ng paraan upang maging isa o “united” ang batch niyo. Ang kasalukuyang fourth year na lamang ang natitirang batch na hindi hiniwalay ang mga matatalino sa mga normal na mga estudyante. Ang mga sumunod na mga antas hanngang elementarya, ang mga estudyante ay nahahati na sa Homo (Intelligent), Second at Third sections.

Ewan ko ba, pero sa opinyon ko, di maganda ang ganung panukala. Kasi naman, sa mga paligsahan at pataasan ng marka, ang cream of the crop section ang humahakot ng lahat mga parangal. Lalo na sa bigayan na ng mga report cards at pag may assembly sa auditorium, kitang-kita sa batch kung aling seksyon ang may pinaka-maraming white, yellow at green cards. Makikita rin kung aling seksyon ang may pinka-maraming PTC… Haay, sa tingin ko talaga dapat ay pantay-pantay ang distribusyon ng klase upang walang lamangan. Kasi ikaw man ang nasa katayuan ng mga taga-Homo section, may kumpetisyon sa lahat ng bagay. Dapat ay mayroon ka parating mataas na marka. Naisip nga namin eh, pag linipat ang kahit sinong estudyante mula sa Homo section, malaki ang posibilidad na siya na ang Top 1 sa kabilang mga seksyon. Ganun sila katitindi.

Totoo na sa pagbabago, may maganda at pangit, pero gusto ko talaga ang nakaraan, noong first year pa ako hanggang second year. Dati, simple lang ang buhay. Alam mo na walang naninigarilyo o nangongopya sa klase. Wala pa ring mga tibo, bakla, mga babaeng hinahayaan silang mabastos at kung anu-ano pang hindi masyadong magagandang mga bagay. Ngayon, makikita mo na lang sa may tabi, mga naghahalikan na ang mga mag-syota. Sa isang tabi naman, may isang estudyante na nasa opisina ng Prefect of Discipline, na may kasong pagnanakaw ng cellphone. Tuwing quarterly exam naman, isang buong klase ang nagkokopyahan. Laki talaga ng pagbabago.

Sa kabilang dako naman, marami din magandang naidulot ang paglaki ng Seton. Dumami ang mga talentado at matatalinong mga estudyante. Ewan ko ba, pero naisip ko talagang balikan ang mga nangyari sa hayskul noon. Iba talaga. Pamilya talaga. Malay ko rin ba, baka pag wala na ang batch namin sa Seton, mabuo ulit ang dating Seton na aking gustong makita.

Ito ang introduksyon sa mga serye ng mga kuwento ni Justin David G. Pineda sa hayskul.