Ang nakabibighaning babae

Ang nakabibighaning babae
- isang karanasan ni J.D. Pineda

Lubhang napaiba ang aking pakiramdam ng pumukaw sa aking paningin ang anyo ng isang dalagang nasa kabilang lamesa ng publikasyon.

Ako nga pala ay isang campus journalist. Nagsusulat ako ng balita sa pahayagan sa Pamantasan. Dalawang publikasyon ang naglilimbag ng dyaryo para sa Pamantasan- mayroong nasa wikang Inggles at mayroon naman sa wikang Filipino. Nagsusulat ako sa pahayagang nagsusulat sa wikang Filipino.

Sa pagtatapos ng unang taon ko sa kolehiyo at sa unang taon ko sa pahayagan, napansin ko ang isang kay ganda-gandang binibini na isang manunulat sa kabilang pahayagan. Grabe, ako'y lubusang nabighani sa kanyang kagandahan. Hay naku, bakit ba maraming maganda akong nakikita?

Ang ganda niya at mukhang mayaman. Bakit ba kailangang mayroong perpektong tao sa pisikal na kaanyuhan? Alam ko na hindi naman sa pisikal na katayuan nasusukat ang pagkatao ng isang nilalang kundi sa mga ginagawa nito. Ngunit sa riyalidad at katotohanang pantao, lubusang nananaig pa rin ang mga perpekto sa labas na kaanyuhan.

Aba, mas maganda kung napakaganda na ng panlabas na anyo pati na rin sa loob. Pero gaya nga ng nasa isip ko, ang mga magaganda ay para sa mga guwapo at ang mga mayayaman ay para sa mga mayayaman. Ano naman ang laban ko roon? Hay. Hanggang pangarap na lang lahat ng bagay na sobra-sobrang nais mong makamit. Hmmm....

Iyong babae raw na nakita ko ay isang mag-aaral sa CBE (College of Business and Economics), modelo at courtside reporter ng DLSU sa UAAP. Ang ganda-ganda niya. Haay... lubha niya akong pinapasaya, mapadaan lang siya sa opisina at masilayan ko kahit sulyap lang ang kanyang maamo at magandang kaanyuhan.

Gusto ko sanang makipagkaibigan sa kanya. Pero sino naman ako para makipagkaibigan, hindi ba? Hindi naman ako sikat. Hindi naman ako guwapo. Hindi naman ako mayaman. Isa akong malaking kabaligtaran niya. At dahil doon, malaking kabaligtaran din na magustuhan niya ako bilang kaibigan o kakilala man lang.

Grabe. Iba kasi siya. Sana nga lang ang maganda niyang panlabas ay kasing ganda ng kung sino siya talaga. Totoong nabibighani ako sa mga maririkit na mga babae lalo na iyong mga tumutugma sa aking mga pamantayan. Pero, matapos ang mga pangangarap, bumabalik din ako sa riyalidad na hindi lahat ng maganda ay mapapasaiyo at hindi lahat ng maganda ay mabuti.

Sanggunian:
Ang mga larawan ay kinuha sa url na http://www.friendster.com/user.php?uid=5418653