Ang Kuwento ng Isang Pamilya

Ang Kuwento ng Isang Pamilya

Isang Maikling Kuwento ni Justin David G. Pineda

Ang mga litratong nakalagay sa maikling kuwentong ito ay ang mga nakaraang litrato noong ako'y bata pa kasama ang aking pamilya. Wala itong direktang relasyon sa kuwento ngunit maihahalintulad ito sa isang pamilya.


Lagi akong napapaisip sa tuwing ako’y sumasakay ng dyip papunta at pauwi galing sa eskwelahan. Lagi kong pinagmamasdan ang mga nasa paligid ng dyip habang ito’y umaandar. Hindi mawala sa aking isipan ang isang misteryong bumabalot sa aking pag-iisip. Bakit may mga swerte at malas sa mundo? Bakit sa kakaunting mga mayayaman ay tinutumbasan ito ng hindi mabilang na mga naghihikahos at humahanap ng paraan upang makaahon sa bukas na naghihintay? At sa pagbaba ko sa aking sinasakyang dyip upang tuluyan ng maglakad sa masikip na eskinitang patungo sa aming tirahan, napapalitan ang aking iniisip. Tinatanong ko sa aking sarili habang ako’y naglalakad kung mahal ba talaga tayo ng Diyos. Mahal nga ba Niya tayo?

Pangalawa ako sa apat na magkakapatid. Si Kuya Allan ay nagtatrabaho na bilang isang waiter sa isang restaurant sa Quezon City. Halos dalawang taon na rin siyang nagtatrabaho roon. Umabot siya sa kolehiyo ngunit hindi na niya ninais pang tumuloy. Naisip niya kasing kailangan na ng pamilya ng tutulong upang ito’y sustentuhan. Mahal din kasi ang matrikula, apat pa naman kami. Pinayagan naman ito ni Itay ngunit si Inay, ayaw niya. Pero wala naman silang magawa, iyon ang gusto ni Kuya at kahit gustuhin ni Inay na wag munang pagtrabahuhin si Kuya, hindi naman sapat ang pera upang pag-aralin kaming lahat.

Kasalukyan akong nag-aaral at unang taon ko ngayon sa kolehiyo. Sinubukan kong mag-aplay upang maging iskolar, ngunit hindi ako pumasa. Oo nga raw at kwalipikado ako dahil maliit lang ang kinikita ng aming pamilya ngunit bumagsak ako sa mga pagsusulit na ibinigay sa pagiging iskolar. Kaya ngayon, kami’y nagbabayad ng matrikula. Nung huling semestre, bumagsak ako sa dalawang sabjek ko. Kinailangan kong ulitin ito. Kinailangan ko ring bayaran ang mga ito. Kaya ako, iyak ako ng iyak kasi nagiging pabigat ako sa pamilya. Nahihirapan din kasi ako. Hindi ako matalino. Ako nga ang pinakakulelat sa klase simula noong hayskul hanggang ngayon. Ninanais ko na nga rin sundan ang yapak ni Kuya Allan na magtrabaho na rin, kaso gusto nina Itay at Inay na makatapos ako ng pag-aaral.

Si Jenny ang pangatlo sa aming magkakapatid. Nasa ikatlong taon na siya ng hayskul. Kung sa Bibliya pagbabasehan, siya ang alibughang anak Grabe, siya ang pinakagastador sa lahat. Wala na ngang pera, hingi pa rin ng hingi. Ewan ko ba, paborito siya ni Itay. Kahit wala na siyang maibigay, aba naghahanap pa rin ng paraan para mapainom ang nauuhaw na luho ni Jenny. At kung ikukumpara ang relasyon ni Jenny kay Inay, aba’y parang pelikulang Anak. Ewan ko ba kung bakit sobrang init ng dugo ni Jenny kay Inay. Lagi na lang binabara ni Jenny si Inay. Lagi rin silang nagsisigawan at nag-aaway sa kung anu-anong mga bagay. Umaabot hanggang kanto ang sigawan nila. Pero alam mo, kahit anong anggulo mo tignan, ang mali lagi ay si Jenny. Hindi na nga siya pinapansin ni Inay pero pilit pa rin siyang nagpapapansin kaya naman ayun, humahantong sa sigawan.

Lagi pa siyang nagbubulakbol sa ekswelahan at laging kasama ang kanyang nobyo. Masamang impluwensiya ang nobyo niya. Sabay silang nagbubulakbol at naglalampungan sa may puno ng akasya sa likod ng eskwelahan. Naninigarilyo at naglalasing pa kapag naisipan. Ilang beses na nga silang nahuhuli ng ibang mga titser at ilang beses na rin silang napaparusahan. Ngunit hindi pa rin sila natututo. Kadalasan, gabi na umuuwi si Jenny at ito ang nagiging ugat ng sigawan nila ni Inay.

Si Robert ang bunso sa aming magkakapatid. Kamakailan lang ay nahagip ang kanyang kaliwang braso ng isang nagmamadaling ambulansiya habang nakasakay siya sa dyip. Nakalabas kasi ang kanyang kamay sa bintana upang itapon ang babolgam na hawak niya sa labas ngunit hindi niya napansing may ambulansiyang nagmamadali. Sa ngayon, nakalabas na ng ospital si Robert at nagpapahinga na sa bahay. Ngunit hindi niya lubusang matanggap na wala na ang kanyang kaliwang braso kung kaya’t wala itong ibang ginagawa kundi umiyak ng tahimik at maging tulala magdamag. Hindi na siya sumasabay sa amin kumain. Wala na nga si Jenny, hindi pa siya sasabay. Kadalasan, nasa loob pa siya ng kwarto.

Malapit si Robert kay Jenny. Naisip ko nga, kaya malapit si Robert kay Jenny ay dahil wala kaming panahon ni Kuya para sa kanya. Masyado na kasi kaming maraming ginagawa ni Kuya. Isa pa, parehas silang hayskul. Unang taon pa lamang sa hayskul itong si Robert.

Hindi ba kadalsan, ang bunsong anak ang paborito o kinagigiliwan ng pamilya? Sa amin, hindi. Baligtad ang mundo sa amin. Imbes na katuwaan ni Itay ang bunso, kinamumuhian niya ito. Si Inay lang ang nagaasikaso sa kanya. Kahit nahagip na ang braso ni Robert, wala pa ring kaimik-imik si Itay. Nagbago ang lahat matapos aminin ni Robert sa pamilya na ayaw niyang maging lalake. May gusto siya sa lalake. Nang malaman ni Itay ito habang kami’y kumakain, nagawa niyang ibato ang lamesang pinagkakainan namin sa galit. Siyempre, umiyak ng umiyak si Robert. Grabe nga noong panahong iyon, buong pamilya nagaaway. Nagalit si Inay kay Itay at nagsigawan sila. Si Kuya naman, galit na galit kay Robert. Pinagsusuntok ang kapatid habang pinipigil ko siya. Ako nga rin ay natamaan ng suntok sa tiyan. Pinagmumumura naman ni Jenny si Kuya. Hindi naman magawang suntukin ni Kuya si Jenny. Kaya sinampal na lang.

Matapos ang ilang oras na kaguluhan na sinamahan ng iyakan at sakitan, makikita mo si Robert na duguan sa sahig, si Jenny na nasaktan, si Inay na iyak na iyak, si Itay na sigaw pa rin ng sigaw, si Kuya na hindi matanggap ang nangyari at ako na gutom na gutom. Tinapon kasi Itay ang pagkain. Wala ng natira. Ang sarap pa naman ng ulam, sinigang na baboy. Paborito ko pa naman. At natulog kaming lahat na sobrang gulo ng bahay at puno ng sama ng loob sa isa’t isa.

Ito ang pamilya namin. Kaya lagi, sa tuwing ako’y sumasakay ng dyip, naiisip ko talaga ang mga malas at mga swerteng tao. Ang malas ko. At habang ako’y naglalakad sa masikip na eskinita, naiisip ko kung mahal ba talaga kami ng Diyos? Ang sakit kasi. Masakit talaga.

Isang araw, ako’y nasa may kwarto namin sa taas ng bahay sa tabi ng bintana. Nagbabasa ako ng libro ng napansin ko itong si Robert na nagtatali ng lubid sa puno sa aming bakuran. Napatigil ako sa pagbabasa at nakita ko siyang magbibigti. Nakapasok na ang ulo niya doon sa tali at sinipa na ang tinatayuang upuan.

“Bert! Ano ba yang ginagawa mo?!”, iyan ang binulalas ko habang tumatakbo pababa ng bahay. Sigaw ako ng sigaw habang ako ay bumababa. Natalisod pa nga ako sa hagdanan at nagpagulong-gulong sa baba. Ngunit, hindi ko pinansin ang sakit. Tumakbo ako agad palabas ng bakuran.

Nakita ko si Itay na kararating lang. Kapapasok lang nito sa bakuran at tinitignan si Robert. Ako naman napatigil kasi nasa baba si Robert. “Kung magpapakamatay ka, umakyat ka sa tuktok ng isang 20-floor building at doon ka tumalon. Wag mong idamay ang puno rito sa bahay, nag-iisa na nga lang, sisirain mo pa yang sanga.”, pagalit na sabi ni Itay kay Robert habang papasok ito ng bahay. “Itay naman, nasaktan na nga yung tao. Wala ba talaga kayong pakialam?”, sagot ko sa kanya. Ngunit hindi niya ako pinansin.

Tumakbo ako papunta kay Robert. “Bert, ayos ka lang ba? Ano bang gusto mong gawin? Bakit ba?”, iyan ang mga tanong ko sa kanya. Ngunit sinagot ako ni Robert ng hagulgol habang sinasabi niyang, “Gusto ko nang mamatay! Gusto ko nang mamatay! Bakit ba? Itinatakwil ako ng pamilya ko!!”. “Andito naman ako, sina Inay at Jenny”, sagot ko sa kanya. “Itigil mo yan Bert. Mali yan. Ano ka ba naman? Hindi maganda yan.”. “Anong hindi maganda Kuya? Ang itakwil ka sa bahay at lait-laitin ka sa eskwelahan? Tuksuhin kang lumpo at tuksuhin ng tuksuhin ng baklang walang kwenta?”.

Napatahimik na lamang ako. Tuloy pa rin ang kanyang pag-iyak. Kinagabihan, sama-sama kaming kumain ng hapunan. Buti nga at pumayag si Robert na sumama. Nakumbinse ko kasi siya na bigyan ng pagkakataon ang pamilya kahit na may sama pa ito ng loob.

Nang nalaman ni Jenny na sasabay si Robert kumain ng hapuan ay sumabay na rin siya. Isang pamilya na ulit kami. Ang sarap nga ng pagkain. Nag-menudo si Inay at nag-ihaw ng bangus si Itay. Tahimik ang lahat. Walang nagsasalita habang kumakain ng hapunan. Matagal-tagal na rin bago naulit ang ganitong sabay-saby na pagkain. Ayos na sana ang lahat ng biglang nagkumento si Kuya. “Hay naku Bert, kung magpapakamatay ka, magisip-isip ka muna. Isipin mo mahirap na nga tayo, maghahanap pa kami ng pera pamburol sayo!”, sumbat ni Kuya kay Robert. Hindi na lamang umimik si Robert at tuloy pa rin ang pag-nguya ng menudo habang tumutulo ang hindi maubos na luha sa kanyang mga mata.

Natapos ang hapunan. Ang mga binanggit lang ni Kuya ang tumatak sa aming mga utak. Alam kong iyon ang iniisip ng lahat. Kung nandoon ka, mararamdaman mo ang negatibong enerhiya kahit na sama-sama kaming kumain. Kanya-kanyang sentimyento at hinanakit ang napapaloob sa mga damdamin namin. Kaya parang wala rin. Hindi nga siguro magandang ideya na sumama pa si Robert sa hapunan. Lalo lang napasama. At sinisisi ko ang sarili ko dahil doon. Naisip ko nga, baka magpakamatay na talaga ng tuluyan itong si Robert. Naaasar na nga ako kay Kuya at Itay, kasi napakamanhid nila.

Bago ako matulog, lagi akong umiiyak habang nagdadasal sa Diyos. Nahihirapan na kasi talaga ako sa kalagayan ng pamilya namin. Lagi na lang mali. Lagi na lang may nasasaktan sa amin. Ayoko na. Iba talaga ang natatatak sa puso ko. Masakit talaga.

Minsan naisipan kong tumungo sa ekselahan nina Jenny at Robert upang sunduin sila at i-blowout sa Jollibee. Nasuspinde ang klase namin kasi may biglaang miting ang mga pakuldad sa amin. Hindi alam ng mga kapatid ko na pupunta ako sa ekswelahan nila. Pagdating ko sa loob, naisip kong lumibot libot muna sa loob ng kampus.

Habang ako’y naglalakad, naobserbahan kong wala pa ring nagbabago sa eskwelahan. Doon din kasi ako nag-aral noong hayskul. Tumuloy pa akong maglakad sa pasilyo ng gusali ng hayskul. Nakikita kong nagkaklase ang mga bata. Nagpatuloy ako sa paglalakad at nakita ko si Robert. Iba pala siya sa eskwelahan. Nakaipit ang buhok niya at nakamake-up pa siya. Sobra na ang paglantad niyang pagiging bakla.

Walang guro sa kanilang klasrum. Napansin ako ng mga estudyante pati na rin si Robert. Lumabas siya ng kwarto kasi nakita niya ako. “Itatakwil mo na rin ba ako Kuya?”, sabi niya sa akin. Napatigil ako at hindi ko alam ang gagawin ko. Kaya sabi ko na lang, “Ano ba naman iyan? Hindi naman ako si Itay o si Kuya Allan ah. Nandito ako para sunduin kayo ni Jenny. Ililibre ko kasi kayo sa Jollibee. Surpresa nga.” Pero pumasok sa puso ko ang pandidiri sa kanya. Lumalandi kasi talaga siya. Para ngang nagsisisi ako kasi dumating pa ako roon. Pakiramdam ko, iniisip ng mga estudyante roon, wala akong kwentang Kuya. Pero hinayaan ko na lamang na parang normal na pangyayari.

“Pasensiya na napaaga ako. Hindi pa tapos ang klase ninyo, nandirito na ako. Wala kasing magawa sa iskul eh.”, paliwanag ko kay Robert. Ayos lang naman kay Robert na maaga ako. Umakyat ako sa susunod na palapag upang hanapin si Jenny. Naroon si Jenny kasama ang kanyang nobyo. Makikita mo sa mukha ni Jenny ang kasiyahang kasama ang kanyang nobyo. Hindi ko na kinailangan pang tawagin siya dahil mismong siya na ang lumapit sa akin kasama ang kanyang nobyo. “Kuya, si Carlo po, boyfriend ko. Carlo, si Kuya Jerry”, pakilala ni Jenny. Hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko. Mag-aastang siga ba ako o magiging maamong tupa? Naunang nagsalita si Carlo. “Kamusta po kayo? Wag po kayong mag-alala, wala po akong ginagawang masama sa kapatid niyo. Lagi ko po siyang inaalagaan at mahal ko po siya”, bilang depensa ng nobyo. Napangiti ako bigla. Hindi ko napansing may hawak pala akong pamatpat. Pinahawak kasi ni Robert ang pamatpat na iuuwi mamaya sa bahay. Mukhang inakala ni Carlo na hahagupitin ko siya ng pamatpat kaya nagpapaliwanang agad.

Kaya siyempre, sinamantala ko na ang panahon. Medyo binawasan ko na ang pagkamabait ko. “Talaga? Sabi mo inaalagaan mo ang utol ko. Eh bakit laging nagbubulakbol sa klase? Laging nagyoyosi at gabi nang umuuwi dahil lasing na? Ganyan ba ang pag-aalagang sinabi mo?”, bulalas ko sa kanya. Natigilan si Carlo at nagulat si Jenny sa inasta ko. Hindi naman kasi ako ganun. Ang karakter ko kasi ay mabait at mahinahon, pinapalampas ang lahat.

Iniba ni Jenny ang usapan matapos ang medyo mahabang sandali ng katahimikan. Nagulat din kasi siya dahil hindi niya inakalang masasabi ko ang mga ganung bagay. Mukha ngang mas inaasahan pa niyang si Kuya Allan ang magsabi niyan kay Carlo. “Kuya, bakit ka nga pala naparito?”, tanong niya sa akin. “Susunduin ko dapat kayo ni Bert.”, sagot ko sa kanya. “Ayun naman pala eh. Labs (Carlo), wag mo na akong ihatid, andito na si Kuya eh. Time na nga rin pala Kuya. Absent ang titser namin ngayong last class kaya walang ginagawa. Sunduin na natin si Bert.”, pagmamadaling sabi ni Jenny. Alam kong sinabi niya ito para hindi na humaba ang diskusyon namin ni Carlo. Pero ako, hindi naman talaga mainit ang ulo ko sa kanya.

Bago kami umalis ni Jenny sa kinatatayuan namin, hinalikan ni Jenny si Carlo sa pisngi. “Kuya Jerry, pasensiya na. Sana makausap ulit kita.”, banggit ni Carlo habang nakatalikod kami ni Jenny at naglalakad. Tuloy pa rin kami ni Jenny sa paglalakad na parang ako’y walang narinig. Alam kong habang kami’y naglalakad, tinitignan ako ni Jenny. Tinitignan niya kung ano ang reaksyon ng aking mukha. Ngunit namanhid ako sa panahong iyon.

Umalis na kaming tatlo sa eskwelahan at tumuloy na sa Jollibee para mag-merienda. Lahat kami ay manok ang gustong kainin. Si Robert ang pumila habang kami ni Jenny ay nakaupo at naghihintay.

Tahimik lang kami ni Jenny ng bigla akong nagtanong. “Jenny, mahal mo ba talaga si Carlo?”, tanong ko sa kanya ng sobrang seryoso. Napatigil nanaman ang aking kapatid. Siguro hindi niya iniisip talaga na ganito ang aking tanong kasi hindi naman kami ganun kalapit sa isa’t isa.“Bakit mo naman natanong Kuya? Oo naman.”, sagot ni Jenny. Nagtanong ulit ako agad, “Palagay mo ba, pag sumama ka kay Carlo, may patutunguhan ang buhay mo?”. Hinihintay ko siyang sumagot ng tulad ng ginagawa niya kay Inay. Hinihintay ko siyang magalit at sabihin sa aking nakikialam ako ng buhay. Ngunit hindi na siya sumagot pa.

Noong nakita ko si Carlo, pakiwari ko talagang “notorius” siya sa kanila. Mahaba ang buhok, hindi nagsasando sa loob ng uniporme kundi puting t-shirt ang gamit, may hikaw sa tenga at laging mukhang napapasabak sa away. Ngunit kahit papaano ay may hitsura naman. Aba, maganda rin ang kapatid ko. Maputi, tsinita, mahaba ang buhok tsaka maamo ang mukha. Simula nga lang noong napariwa at laging nakakasagutan ni Inay, nagmukha siyang laging pagod at nangangalumata.

Dumating na rin ang pagkain sa wakas. Masarap ang kain namin. “Kuya, salamat sa merienda ah.”, banggit ni Robert. “Wala yun. Matagal ko na nga itong gustong gawin eh. Sana lagi tayong ganito. Pagod na rin ako sa gulo.”, sagot ko. “O ate, bakit ka naman hindi nagsasalita? Break na ba kayo ni Carlo?”, tanong ni Robert na may halong panunukso. “Magtigil ka nga diyan bakla! Pabayaan mo nga ako.”, pagalit na sagot ni Jenny.

“Ay pikon ang bruha! Tumigil ka nga.”, biro ni Robert. At ayun, kahit papaano ay nakaramdam ako ng “sense of family” kahit saglit at hindi kumpleto. Natutuwa nga ako kasi paguwi, sabi sa akin nina Jenny at Robert na huwag ng mag-dyip. Maglakad na lang daw para makapagkwentuhan kami. Mas lalo akong natuwa. Si Robert nga, bigay na bigay ang pagiging bakla na hindi naman niya ipinapakitang ganoon sa bahay. Si Jenny naman, nagsimula na ring magkuwento ng mga nangyayari sa kanya sa eskwelahan. Naikuwento nga niya ang mga magagandang nangyari sa kanya. Nanalo pala siya sa science quiz bee at kasali sa varsity ng volleyball. Ngayon ko lang nalaman ang mga iyon. Puro lang kasi masasama ang nalalaman namin sa bahay. Si Robert naman, Top 1 sa klase. Nangunguna pala siya. Hindi man ito alam sa bahay. Kinimkim lang niya.

Magandang ideya pala ang makasama ang aking mga kapatid. Oras lang pala ang katapat para malaman mo kung sino silang talaga. Nakakalungkot nga kasi ngayon ko lang nalaman ang ganitong mga bagay. Sa bahay kasi, wala ng gusto pang makinig sa kanila kasi ang mga kamalian lang ang nakikita. Ewan ko ba. Buti na lamang at bukas ako sa kanila. Kasi kung hindi, hindi nila masasabi ang mga ganitong mga bagay.

Habang naglalakad sa kalye ay napatanong ko kay Robert, “Maiba nga ako Bert. Bakit ka ba bakla?”. Nagulat ako dahil itinanong ko iyon. Kaming tatlo ay nagulat. Naisip ko na baka mahinto na ang masayang kuwentuhan dahil sa tanong ko. Tumahimik nanaman ang lahat. Nagtuloy lang kami sa paglalakad ng tahimik. Makalipas ang ilang sandali ng katahimikan, sumagot si Robert. “Bakit Kuya, ikinahihiya mo ba ako?”, tanong sa akin ni Robert. Hindi ko alam ko ano ang sasabihin ko. Bakit ko pa kasi ito itinanong. Nagtagal nanaman ang isang katahimikan sa aming tatlo.

Nagpatuloy pa rin ang aming paglalakad. “Sa totoo lang, nagulat ako sayo dahil ipinapakita mo ang tunay mong pagkatao. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Hindi naman ako mapanghusga para sabihing mali ka. Hindi ako ganoon Bert, at alam mo yun. Ngunit hindi ko rin naman sinasabing pabor akong maging ganyan ka. Pero tinanggap kung anuman man ang pagkatao mo. Mahal pa rin kita kasi kapatid kita anuman ang sabihan nila.”, paliwanag ko kay Robert. “Hiling ko lang na sana maging disente ka pa rin at wag mong pababayaan ang sarili mo.”, dagdag ko pa.

Katahimikan na ang bumalot sa amin hanggang makarating ng bahay. Nandoon sina Itay at Inay. Nagmano ako sa kanilang dalawa habang si Robert, nagmano lang kay Inay at si Jenny, nagmano lang kay Itay. Umakyat na kami sa kuwarto namin. Magkasama kami ni Kuya Allan sa kuwarto habang sina Jenny at Robert sa kabilang kuwarto. Papasok na ako ng kuwarto at sina Jenny at Robert sa kanila ng nagsalita si Robert, “Salamat Kuya. Salamat.”. Ngumiti lang ako at pumasok na sa kuwarto.

Kinagabihan, kumatok na si Inay sa pintuan ng aming mga kwarto. “Tayo na riyan. Kakain na ng hapunan.”, banggit niya. Kadalasan, ako, si Itay at Inay lamang ang kumakain ng sabay kahit na kinakatok ni Inay pati ang kwarto nina Jenny at Robert. Pagkatapos namin kumain, iiwan lang ni Inay ang pagkain sa hapag ng nakatakip para sa kina Jenny at Robert. Sila na ang bahala roon kung gusto nilang initin o kainin agad. Sila na rin ang bahalang maghugas ng kanilang pinagkainan. Kadalasan, si Kuya Allan ang huling kumakain. Mga alas-nuwebe na siya dumarating ng bahay. Kaya siya na lamang ang natitirang kakain.

Pero noong gabi ring iyon, lumabas sina Jenny at Robert upang sabay-sabay kaming lima na kumain. Nagulat si Itay ng makitang tatlo kaming magkakapatid ang bumaba para kumain. Ngunit nanatili pa rin ang seyosong mukha ni Itay. “Inay, kulang ata ang platong hinanda ninyo ngayon ah.”, sabi ko kay Inay. “Oo nga eh, hindi ko ito inasahan.”, sagot niya.

Sabay-sabay kaming kumain ng hapunan. Tahimik pa rin kami. Kadalasan, kapag kaming tatlo nina Itay, Inay at ako ang kumakain ng sabay, nagkakausap naman kami. Ngunit ngayon, parang negatibong enerhiya nanaman ang nasa paligid. Hindi ko na ito hinayaan pa. “Itay, inay, sinundo ko po sina Jenny at Bert kanina sa iskul. Maaga po kasi ang uwian ko kanina eh.”, pagkukuwento ko sa kanilang dalawa. “Ang bait nga po ni Kuya, Inay. Linibre niya po kami sa Jollibee.”, pagkukuwento ni Jenny. Nagulat ang lahat. “Itay, alam niyo po si Kuya, mahal po niya ako. Napakabait po niya.”, banggit ni Robert. Nagulat nanaman ang lahat.

“Inay, sorry po sa lahat-lahat. Sorry dahil naging masama ako sa inyo at naging pabigat sa pamilya. Lagi na lang po kasing mali ang nakikita sa akin kaya pakiramdam ko wala ng lugar na tama para sa akin kaya puro mali na lang ang ipinapakita ko. Sorry. Sorry po ulit.”, sigaw ni Jenny kay Inay. Tumayo ito sa kinauupuan at inakap niya si Inay. Humagulgol si Inay pati na rin si Jenny. “Anak patawarin mo rin ako. Alam ko na sumosobra na rin akong strikto sayo at lagi ka na lang pinupuna. Naging bulag ako sa mga kamalian mo anak. Sorry. Alam ko rin na mali ako. Pinipilit ko itong baguhin ngunit dahil sa mga ipinapakita mo, hindi ko ito magawa.” At iyak sila ng iyak.

Tumayo bigla si Itay at lumapit kay Robert. “Anak, patawarin mo ako. Alam mo, noong mahagip ka nung ambulansiya, labis labis ang pag-aalala ko. Anak, mahal din kita. Wala ako noon sa kuwarto mo sa ospital. Alam kong iniisip mo noon na wala akong pakialam sayo. Ngunit nasa simbahan ako noon, walang tigil sa pagdadasal na gumaling ka. Ayaw ko lang malaman mo kasi hindi ako sumasangayon na maging ganyan ka. Gusto ko na isipin mo na wala akong kwenta sayo. Kasi sa akin, sinisisi ko kung bakit ka naging ganyan. Pero tulad ng Kuya Jerry mo, mahal na mahal kita anak. Mahal kita anak.”, sabi ni Itay habang lumuha ang kanyang mga mata.

“Itay, lahat ng mga nangyari ay kinalimutan ko na. Lahat ng nakaraang mapapait ay wala na sa aking isipan. Sa lahat ng mga mali ay kinalimutan ko na. Hinihintay ko lang po talaga ang pagkakataong magiging buo ulit ang pamilya natin. Kaya kung anuman ang mga nangyaring masama, tinatanggap ko ito dahil naniniwala po akong darating ang panahon na magiging masaya tayo dahil buo na ulit tayo.”, sagot ni Robert kay Itay habang iyak na ito ng iyak.

Ako naman, hindi ko nanaman alam kung ano ang aking gagawin. Kaya umiyak na lang din ako. Umiyak ako sa tuwa. Nararamdaman ko na unti-unti ng bumabalik ang aming pamilya.

Ang sarap ng hapunan. Kare-kare at pritong manok. Matapos ang iyakan at paliwanagan ay nagutom kaming lahat. Kaya ayun, kumain kami ng marami. Pagkatapos kumain, sa matagal na panahong nag-intay, nagkasama-sama kaming manood TV sa sala.

Nanonood kami ng Sana Maulit Muli. “Salamat sa Diyos at ayos na tayo.”, sabi ko sa lahat. Pero walang pumansin sa akin dahil seryoso silang nanonood ng TV. Tumunog ang telepono. Si Inay ang sumagot ng telepono. “Hello magandang gabi.”, bati ni Inay na may kasiyahan. “Ako po si Freddie. Kasamahan po ako ni Allan sa trabaho. Pwede po ba sa nanay niya?”, sagot ng nasa kabilang linya. “Eto na ang nanay niya. Bakit?”, sabi ni Inay. “Mayroon pong masamang balita. Hinold-up po si Allan kanina. Kinukuha po yung wallet niya eh nanlaban po. Kaya po biglang sinaksak sa mga tiyan at tsaka kinuha yung wallet. Sabay po kaming uuwi. Nauna lang po siyang lumabas. Paglabas ko po, nakahandusay na po siya at nagkalat ang dugo sa daan. Nasa ospital po siya malapit po dito sa resto.”, paliwanag ni Freddie.

Biglang nawala ang kasisimula pa lang na kasiyahan namin. Dumiretso kami agad sa ospital. Doon namin nalaman na malalim ang saksak kay Allan. Agaw buhay ito.

Nasa emergency room siya noong panahong iyon. Kailangan niya ng dugo. Kailangan naman namin ng pera para sa kanya. Kinausap ng duktor si Itay at pagbalik ni Itay sa amin, sinabi niyang, “Agaw buhay si Allan. Kailagan ng one hundred thousand sa operasyon niya.”. Nanghina kaming lahat. Si Itay ay isang manager ng bangko habang si Inay, sa bahay lang at walang trabaho. Si Itay lang ang nakapagtapos kaya kahit paano ay may maayos na trabaho.

Naghahanap kami sa ilang kamaganak na mapag-uutangan. Ngunit naisip namin, na wala rin silang maibibigay dahil lugmok din sila sa kahirapan. Mabaliw-baliw na kami sa kakahanap ng pera. Kinabukasan, nagbayad na si Itay ng buong halaga ng gastusin para sa mga operasyon at mga gamot. Nagulat kami kung saan niya kinuha ang pera.

Nananghalian kami sa kantina ng ospital. Tahimik kaming lahat at walang imik. “May ikukwento ako sa inyong lahat.”, sabi ni Itay. “Alam niyo, ang pakiramdam ko noong puro kaguluhan ang pamilya natin, napakamalas ko. Naranasan ko ang paghihirap at maghirap, pakiramdam ko napakamalas ko. Naging pariwara ka Jenny at bakla ka Bert, naramdaman kong napakamalas ko. Ikaw Jerry, puro ka bagsak sa kolehiyo at si Allan, hindi ko man lang napagtapos sa pag-aaral. Pakiramdam ko, napakamalas ko. Hindi ko maibigay sa asawa ko ang isang magandang buhay. Parang napakawalang-kwenta kong ama, asawa at tao.”

“Nagsimula ang ganitong pag-iisip noong ako’y bata pa. May matalik akong kaibigan. Si Andre. Lagi kaming magkasama at sobrang malapit. Parehas kaming mahirap noon. Sa public school nga lang kami nag-aaral eh. Pero gayunpaman, nagsumikap kami. Nakapagkolehiyo at nakapagtapos kami sa parehas na kurso- Business Management. Ngunit iba talaga ang buhay. Nakapagtayo siya ng negosyo at yumaman na siya. Ang laki-laki ng bahay, may sariling kotse, maraming pera. Napag-aaral niya ang kanyang mga anak. Maayos niya itong naipalaki. Matatalino pa at magaganda’t guwapo ang mga anak niya. Maunlad sila at umasenso. Habang ako, naririto sa dilim at hindi ko nagawang ayusin ang aking pamilya. Inggit na inggit ako sa kanya. Wala akong sinabi sa kanya. Nagtataka nga ako eh, bakit itong masasamang bagay, sa atin pang walang pera dumarating?”, pagkukwento ni Itay habang ito’y unti-unti ng umiyak.

Doon pala siya sa kaibigan niyang si Andre nangutang ng pera. Linapitan na lamang naming apat siya at inakap. “Itay, wag ka pong mag-alala, hindi na po ako mapapariwara pa. Aayusin ko itong pag-aaral ko.”, sabi ni Jenny. “Itay, magpakatatag ka, wala na po akong ibang gagawin kundi mag-aral.”, sabi ko sa kanya. “Itay, pipilitan ko pong magpakalalaki kung kakailanganin.”, sabi ni Robert. “Tay, mahal pa rin kita. Hindi ako nasinag kay Andre noon kahit mayaman siya. Ikaw pa rin ang pinili ko, kasi mahal kita.”, sabi ni Inay. Isang matagal nanaman na saglit na katahimikan ang naramdaman ng bawat isa habang hindi kumakawala sa akap ng pamilya.

Wala pa ring bumibitiw sa “akap ng pamilya”, nang dumating ang duktor ni Allan at sinabing, “Tinatawag po kayong lahat ni Allan.”.

Pinuntahan namin si Kuya Allan. Nararamdaman ko na mamatay na si Kuya pero nananatili akong tahimik. Pagdating sa loob, mararamdaman mo ang negatibong enerhiya. Sobra-sobra na itong kumakalat at nagpapababa sa amin. “Ano iyon anak?”, tanong ni Itay.

“Halika rito Bert.”, tawag ni Kuya Allan habang nakaratay ito sa kama. Inakap ni Kuya si Robert at sinabing, “Patawarin mo ako.”. Umiyak na ng umiyak si Robert. Tinawag din ni Kuya si Jenny at ganun din ang sinabi. Umiyak din ng umiyak si Jenny. Tinawag ako ni Kuya. “Jerry, aalagaan mo yang mga kapatid mo. Nanaginip ako kanina at nakita kitang inaalagaan ng mabuti ang dalawa. Ikaw ang aasahan ko.”, bilin ni Kuya Allan sa akin. Lumapit na rin sina Itay at Inay kay Jerry matapos akong umalis. “Itay at Inay, marami pong salamat.”, sabi ni Kuya habang inaakap niya sina Itay at Inay.”.

“Hay naku, kapag kayo hinold-up, wag kayong tutulad sa akin, lumaban pa. Kita mo ngayon, ang laki ng ginagastos niyo. Maghahanap pa kayo ng perang pamburol sa akin.”, pabirong sabi ni Kuya Allan. “Kuya naman.”, sagot ni Jenny. “Akala ko nga si Robert ang mauuna sa atin nung nahagip ng ambulansiya ang braso niya.”, pabiro ulit na sabi ni Kuya Allan. Nagtawanan kami lahat bigla sa kabila ng napipintong kalungkutan.

“Maiba nga ako. Ngayon lang ako nagkamalay simula nung saksakin ako nung walang pusong holdupper. At alam kong malapit na ako. Nakikita ko na kasi ang ilaw eh. Pinagbigyan lang ako bumangon saglit pero malapit na talaga. Natatawa nga ako at buti na lang, ilaw ang nakikita ko at hindi apoy. Gusto ko lang malaman ninyong lahat na mahal ko kayo. Mahal ko talaga kayo kung hindi niyo man alam iyon. Pero alam kong alam ninyo yun. Sorry sa mga nagawa kong masasama. Alam kong masama ako kaya sana patawarin niyo ako. Wag niyo na akong iburol kung walang badyet. Sayang sa pera.”, sabi ni Kuya habang ito’y tumatawa.

Malungkot ang lahat. Iba talaga ang pakiramdam kapag andun ka sa kwarto. Malamig na malamig at para talagang hinihigop ang kasiyahan. “Itay, nanaginip ako kanina. At sabi sa panaginip ko ay gawan ka ng sulat. May nagpapadala po sa inyo ng mensahe. Eto po iyon. Basahin niyo po kasama sila kapag nais niyo nang basahin.”, sabi ni Kuya Allan.

Nagulat si Itay sa sinabi at ibinigay ni Kuya Allan. Matapos ang paguusap, hiniling ni Kuya Allan na umalis na kami. Matapos ang isang oras, namatay na rin siya. Iyak ng iyak si Inay pati si Itay. Kaming magkakapatid ay tahimik lang. Ibinurol at pagkatapos ay inilibing na rin si Kuya.

Matapos ang paglilibing sa kanya, parang hindi pa rin kami makabalik sa dati. Alam kong iniisip din nang aking mga kapatid na baka nga malas ang pamilyang ito. Bawal kaming maging masaya. Sa tuwing nagiging masaya kami, may hindi magandang nangyayari.

Isang araw, nakaupo na kami para kumain ng hapunan. Magsisimula ng kumain ang lahat ng biglang pinigil ni Itay. Sabi niya sa amin, “Ito ang sulat ni Allan para sa atin.”.

“Nalagpasan niyo ang hamon na ibinigay ko sa inyo. Alam ninyo, ibinibigay ko ang mga ganitong klaseng pagsubok sa mga taong alam kong kakayanin ang ganitong hamon. Alam kong malalagpasan niyo ito. Mas lalo kayong magiging malakas at matapang dahil dito. Asahan niyo pa ang mas matitinding pagsubok sa susunod. Hindi ako magbibigay ng problemang hindi niyo kayang lutasin. Wag niyong kainggitan ang mga nakakataas sa inyo. Kita niyo nga, nagbayad kayo ng malaking pera, hindi pa rin nabuhay ang dapat buhayin. Pantay-pantay tayong lahat. Ang buhay na ito ay isa lamang maikling preparasyon para sa susunod na buhay na punong-puno ng kasiyahan at pagsubok. Mahalin ninyo ang isa’t isa at magpakatatag kayo. Nagmamahal, Ang iyong kaibigang tunay.”- Ito ang nakalagay sa sulat.

Matapos basahin ang sulat, unti-unting nawala ang mabigat na pakiramdam sa puso. Nagsimula na ulit kami ng isang bagong buhay. At sa bagong buhay na ito, handa na kaming harapin ang mga bagong pagsubok na naghihintay sa amin.